Tuesday, September 20, 2011

Singsing Pangkasal


“Kung ano man ang namagitan sa ‘tin noon, hindi ko pinagsisisihan iyon. At kahit kailan, hinding-hindi ko iyon malilimutan…” maluha-luhang sinabi ni Frederico sa taong nasa kanyang tabi. Nakaupo ang dalawa sa hagdan sa harap ng dalawang malaking pintuan ng katedral. Pareho silang nakatingin sa malayo… minamasdan ang plaza at ang mga taong namamasyal roon.
            “Ako rin naman eh. Papaano ko magagawang kalimutan ang mga masasayang tagpo ng aking buhay? Ikaw ang kaligayahan ko… ikaw lang.” maluha-luhang sinagot ng taong nasa kanyang tabi. Sa unang tingin ay iisipin mong pabling si Frederico. ‘Yan ay dahil sa kanyang tindig, postura, pananamit, pananalita, hitsura, katawan at iba pang bagay na makapagsasabing siya ay isang perpektong lalaki. Ngunit iyon ay taliwas sa katotohanan. Naiiba siya kumpara sa mga ibang lalaki diyan. Tapat siya sa lahat ng kanyang nakarelasyon.
            “Pero paano ba ‘yan? Ikakasal ka na.” pagpapatuloy ng kanyang kausap na naging dahilan upang siya’y manigas at matulala. “Wala na tayong magagawa Frederico. Hindi ko kayang pigilan ito. At alam kong wala kang balak saktan ang damdamin ni Adelina. Kaya…” isang pilit na ngiti ang iniharap sa kanya ng kanyang katabi. “… mas mabuti nang ako ang masaktan.” At hindi na napigilan pa ng dalawa na umiyak.
            “Ano ka ba?” Biglang natauhan si Frederico at pilit ding ngumiti. Inakbayan niya ang katabi at sinandal ang ulo nito sa kanyang balikat. “Hindi naman kita sasaktan eh. Magagawa ko ba ‘yun sa ‘yo eh ikaw itong mas mahal ko?” Biglang napatawa ang kanyang kausap. “Tanga ka ba Frederico? Magpapakasal ka sa iba kahit na alam nating dalawa na tayo ang totoong nagmamahalan. At sa tingin mo, hindi mo ‘ko sinasaktan? Pinapatay mo ‘ko!” galit at selos ang nadarama ng kanyang kausap na siyang bumitaw mula sa kanyang yakap at nagsimulang maglakad papuntang plaza. Tinawag siya ni Frederico subalit hindi ito lumingon at nagpatuloy lang sa paglalakad.
            “Mahal kita. Magpapakasal lang ako sa iba pero ikaw ang na sa loob ng puso ko.” Hinabol niya ang kanyang kausap at hinawakan ang kanang kamay nito na siyang nagpahinto rito.
            “Kasal?” lumingon ito sa kanya. Sila’y nakatayo sa paanan ng rebulto ng dating hari ng Espanya. “Alam mo ba kung anong mangyayari kapag nagpakasal ka sa kanya? Mamumuhay ka kasama niya hanggang sa pagtanda niyo dahil sa oras na ikasal kayo ay sinusuko mo ang buhay mo sa mapapangasawa mo. Frederico,” bumitaw siya sa kanyang mahigpit na hawak at masidhing tiningnan si Frederico. “Pwede ba? Huwag kang maging tanga!” Naglakad siya palayo’t naupo sa isang mahabang upuang yari sa kahoy. Ilang segundo pa ay tinabihan rin siya ni Frederico.
            “Pero lagi mong tatandaan na kahit na araw-araw at gabi-gabi ko pa siyang kasiping, ikaw pa rin ang nasa puso’t isipan ko.”
            “Alam ko. Tanggap ko. Kahit masakit Frederico,” bigla silang nagyakap. “Anong magagawa ko? Eh bakla lang ako…”
            “Severino?” kunot-noong tiningnan ni Frederico ang dating kasintahan na kasalukuyang umiiyak. Ilang sandali silang nanahimik at kampanteng sinandal ang mga katawan sa isa’t isa.
            “Magtanan tayo.” Nakangiting sinabi ni Severino. “Ano?” Gulat na reaksiyon ni Frederico. “Oo. Mamumuhay tayo sa ibang bansa kung saan walang nakakakilala sa atin. Walang huhusga sa ‘ting pag-iibigan. Magsisimula tayong muli at mamumuhay ng tahimik. Tayong dalawa lang Frederico… ikaw at ako.” Nakangiting sinabi niya sa dating kasintahan. Subalit nang makita niya ang nakakunot-noo nitong tingin, nagbago ang kanyang mukha’t inirapan si Frederico. Agad siyang tumayo at naglakad papunta sa kaloob-looban pa ng mapunong plaza, malayo sa tingin ng mga nagdadatingang bisita sa katedral.
            “Nahihibang ka na ba Severino? Ano na lamang ang sasabihin ng mga kamag-anak at mga kaibigan natin? Severino, alam mong mahal kita, subalit hindi tayo dapat umabot sa ganoon!” pagtatanggi’t pagpapaliwanag ni Frederico habang hinahabol ang kausap.
            “At ano? ha! Ano! Kuntento ka na ba sa ganito? Pagtatago? Paglilihim? Punyeta, sawang-sawa na ako!” sigaw niya sabay talikod sa kausap habang nanatiling nakatayo sa gitna ng plaza. “Alam mo,” ani ni Severino “Tanggap ko namang hindi tayo pwedeng ikasal. Pero Frederico, may iba pa namang paraan para magsama tayo.” Pagpapatuloy niya sa isang mahinahong tono.
            “Severino, ipagtatabuyan tayo ng mga pamilya natin.” Lumapit ang ikakasal nang si Frederico at pinatong ang kanyang mga braso sa magkabilang-balikat ni Severino. Yakap-yakap niya ang dating kasintahan sa likod. “Akala ko ba…” panimula ni Severino. “Kung mahal mo ang isang tao, hindi mo iisipin  ang mga sinasabi ng iba. Kahit na tutol pa sila, mamahalin mo pa rin ang taong iyon. Hindi ba’t ikaw ang nagsabi sa ‘kin noon? Hindi mo na ba naaalala ang mga sinabi mo’t pinangako? Ang mga pangarap nating sabay rin nating aabutin? Nasaan na Frederico? Nasaan na?” ilang hikbi ang narinig ni Frederico mula kay Severino. “Nasaan ka na Frederico? Nasaan na ang lalaking inibig ko?”
            Ilang segundong nanahimik ang dalawa. Hindi makasagot si Frederico sa mga sinabi ng lalaking minahal niya sa loob ng anim na taon.
            “Ito…” hinawakan ni Severino ang kwintas niyang suot. Isang dogtag na kung saan nakaukit ang kanilang mga pangalan. “Binigay mo sa ‘kin ‘to noong nagdiwang tayo ng ating kauna-unahang anibersaryo. Lagi ko itong sinusuot kahit saan ako magpunta. At alam mo bang dahil dito’y nagawa nitong iligtas ang buhay nating pareho? Naaalala mo pa noong dakpin tayo nga mga rebelde noon sa Bicol habang gumagawa ng isang dokyumentaryo? Sinubukan ka nilang barilin pero humarang ako’t nasalo ang bala. Mabuti na lamang at sa dogtag bumaon ang bala. Frederico, kahit kailan ay wala akong naaalalang may mga nagsakripisyo ng kanilang buhay para sa ‘yo… Ako lang… Napakadelikado ng mga trabaho natin bilang mga broadcasters. Magagawa ba ng asawa mong iligtas ka? Mahina siya. Babae lang siya.”
            Hindi nakaimik si Frederico at ang tanging nagawa na lamang ay higpitan ang yakap kay Severino. “Naaalala mo pa ba noong gabing sinagot kita? Hindi ba’t kinantahan pa nga kita noon? Palagi kitang kinakantahan para maaliw ka. At dahil ikaw ang piyanista’t taga-sulat ko ng mga kanta, lahat ng mga kinakanta ko’y mga komposisyon mo. Paano ka aaliwin ni Adelina? Paano niya kakantahin ang mga awiting sinulat mo? Gamit ang basag at sintunado niyang boses na hindi na mabilang ang mga basong nabasag?” Napangiti si Frederico sa biro ni Severino. Hinaplos ni Severino ang mga braso ni Frederico na nakakapit sa kanya.
            “Noong una kitang makita, labis akong nahumaling sa ‘yo. Aaminin ko, katawan at mukha mo lang ang tanging nagustuhan ko sa ‘yo noon. Subalit nang unti-unti tayong naging magkaibigan, unti-unti… kahit na ‘di na mabilang ang mga nagiging kasintahan mo sa isang buwan, inibig kita.” Humarap sa wakas si Severino kay Frederico.
            “Mahal kita.”
            “Ako rin naman. Subalit…”
            “Ano?” Hinaplos niya ang kanyang mukha.
            “Kailangan kong mamili.”
            “Sino ang pipiliin mo?” Binaba ni Frederico ang mga kamay ni Severino. At sa isang iglap ay naglapat ang kanilang mga labi.
            “Kung ano ang tama. Iyon ang pipiliin ko. Tandaan mo Severino, Ikaw lang at wala nang iba pa. Mahal na mahal kita.” Aniya sabay lisan sa kinatatayuan. Dahan-dahang naglakad si Frederico papuntang katedral. Unti-unti ay dumarami na ang mga bisita niya. Ang lahat ay nakasuot ng mga damit na yari sa jusi at pinya. Nakaayos na rin ang katedral na pinuno ng mga telang puti at pulang rosas. Habang ang lahat ay naghihintay kay Adelina, si Severino naman ay naiwan sa plaza, walang humpay na umiiyak.
            Mag-aalas otso na nang makarating ang ikakasal sakay ng kalesang tahak ng isang puting kabayo. Pumasok si Severino sa loob. Pinunasan niya ang mga luha sa kanyang mukha at huminga ng malalim. Ningitian niya ang lahat na makasalubong sa paglalakad. Pilit na tinatago ang tunay na nararamdaman para sa ika-aayos ng kasal ng dating kasintahan. Pagkapasok ay tumapat na ang mang-aawit sa mikroponong hinanda para sa kanya. Nang maayos na ang lahat ay sinenyasan na si Severino at nagsimula nang umawit.
            Nakita niya kung gaano kaganda ang mapapangasawa ng kanyang dating karelasyon. Sa loob niya’y  kanyang iniisip na sana’y siya ang naroon at naglalakad papuntang altar… papalapit sa lalaking makakapiling habambuhay. Nagpatuloy ang kasal at alam ng Diyos kung paano pilit ni Severinong hatakin pabalik ang oras, hindi lang matuloy ang kasal. Nang isusuot na ang singsing pangkasal, bigla itong nahulog sa lupa at gumulong palabas ng katedral.
franzsorilla (Francisco O. Sorilla IV)
source: http://www.filipinowriter.com/singsing-pangkasal-1

2 comments: